Posted to Kalinaw News (Apr 29, 2022): Sagupaan ng Militar at NPA, Sumiklab Kasunod ng Pagbalik Loob ng mga Miyembro ng NPA sa Surigao del Norte (Clash between Military and NPA, Outbreak Following Return of NPA Members in Surigao del Norte)
Gigaquit, Surigao del Norte – Isang bakbakan ang naganap sa pagitan ng mga kasundaluhan ng 30th Infantry (Fight On) Battalion at mga miyembro ng teroristang NPA sa bulubunduking bahagi ng Sitio Alimayo, Brgy Payapag, Bacuag, Surigao del Norte nitong ika-28 ng Abril 2022.
Nangyari ang bakbakan pagkatapos makatanggap ng ulat ang 30IB mula sa mga residente tungkol sa presensiya ng mga armadong grupo ng teroristang NPA na pinaniniwalaang mga miyembro ng pinagsamang pwersa ng Sandatahang Yunit Pangpropaganda (SYP) 16C2 ng Guerilla Front (GF) 16, North Eastern Mindanao Regional Committee (NEMRC) na pinamumunuan ni Alberto Castañeda o mas kilala bilang alyas JD at SYP 16C1, GF16, NEMRC sa pamumuno ni Roel T Neniel o mas kilala naman bilang alyas Jacob . Kung kaya agad na umaksyon ang kasundaluhan ng 30IB upang kumpirmahin ang nasabing sumbong.
Dakong alas syete ng umaga habang nagpapatrolya ang mga tropa sa nasabing lugar ay agad silang pinaputukan ng mga armadong grupo at agad namang gumanti ang kasundaluhan na humantong ito sa mahigit kumulang na labinlimang minutong sagupaan.
Tinatayang nasa sampung (10) armado ang nakasagupa ng tropa na kung saan ay agad ding tumakbo papalayo at naiwan ang mga iba’t-ibang pangteroristang kagamitan gaya ng dalawang (2) Improvised Explosive Devices (IEDs) o mga ilegal na pampasabog, limang (5) magasin ng AK47 na baril, tatlumpung pirasong bala ng 7.62mm at tatlong kahong bala ng 5.56mm na may lamang siyamnapung (90) pirasong bala, bandoler, at iba pang pang-personal na kagamitan at subersibong dokumento.
Samantala, noong ika-21 ng kaparehong buwan ay sumuko sa himpilan ng 30IB ang isang New People’s Army (NPA) Iskwad Lider na si Reymark M Calimpusan alyas Green, 22 taong gulang na naninirahan sa Brgy Pongtud, Bacuag, Surigao del Norte at miyembro na si Arnie B. Jubasan alyas DJ, 23 taong gulang na naninirahan naman sa Brgy Magtangale, San Francisco, Surigao del Norte. Ang dalawa ay pawang mga kasapi ng teroristang grupo ng SYP16B, GF16, NEMRC.
“Dili na nako maantos ang kamingaw sa akong pamilya ug dili na makaya ang kagutom ug kalisod sa bukid” (Hindi ko na matiis ang pangungulila sa aking pamilya at hindi na makaya gutom at kahirapan sa bundok). Pahayag ni Green sa dahilan ng kanilang pagsuko.
Ayon kay Lt Col Ryan Charles G. Callanta, Pinuno ng 30IB, “Taos-puso akong nagpapasalamat sa mga mamamayan sa kanilang patuloy na pagbibigay ng mga impormasyon tungkol sa kinaroroonan ng mga armadong grupo ng NPA. Sa nangyaring sagupaan, napigilan natin ang paghasik ng lagim ng mga teroristang NPA sa nasabing lugar sa pamamagitan ng pananakot at sapilitang pag-demand ng suporta at extortion sa walang kalaban-laban na mga kababayan natin dun”.
“Makakamit natin ang kapayapaan at kaunlaran kapag sama-sama tayo. Muli kong hinihikayat ang mga kasamahan nila Reymark at Arnie na bumalik na rin sa kanilang mga pamilya upang makapagsimula sila ng panibagong buhay na mapayapa dahil sila ay mga biktima lamang ng mapaglinlang na propaganda ng mga teroristang NPA.”
[Kalinaw News is the official online source of information on the pursuit for peace in the Philippines This website is a property of the Civil-Military Operations Regiment, Philippine Army located at Lawton Avenue, Fort Bonifacio, Taguig City Contact us: kalinawnews@cmoregiment.com]
https://www.kalinawnews.com/sagupaan-ng-militar-at-npa-sumiklab-kasunod-ng-pagbalik-loob-ng-mga-miyembro-ng-npa-sa-surigao-del-norte/