Posted to Kalinaw News (Apr 22, 2022): Bulto-bultong Mga Bala At Mga Dikalibreng Armas ng CTG Nasamsam Sa Sorsogon (CTG Ammunition and Unregistered Weapons Seized in Sorsogon)
CAMP ELIAS ANGELES, Pili, Camarines Sur – Pinatunayang muli ng 22nd Infantry (VALOR) Battalion sa ilalim ng 903rd Infantry (PATRIOT) Brigade, ang kanilang dedikasyon at agresibong kampanya na tuldukan na ang Communist Terrorist Group (CTG) matapos ang matagumpay na pagkakasamsam ng bulto-bultong bala, armas at mahahalagang kagamitan ng teroristang grupo,sa Barangay Calpi, Bulan, Sorsogon, alas-5 ng umaga, Abril 21.
Ayon sa report, tinugunan ng mga tropa ng 22IB sa pamumuno ni Lt. Col. Nelson Mico ang sumbong ng mga residente ukol sa isang lugar na pinagtataguan ng mga container drum na pinaglagakan ng mga armas at mga bala ng Communist NPA Terrorist (CNT) na inilibing sa isang masukal na parte ng nasabing barangay.
Nakuha sa lugar ang dalawang (2) M16 rifles, mahigit walong libong mga bala, 72 na mga magazines, mga maka-teroristang dokumento pampropaganda, at mga personal na kagamitan ng CNT.
Itinuturing na blessing-in-disguise ni Brigadier General Aldwine I. Almase, Commander ng 903rd Infantry (PATRIOT) Brigade, ang pagkakadiskubre sa nasabing mga bala at mga armas dahil sa posibleng paggamit ng CNT sa mga ito sa makateroristang gawain gaya ng pananakot at pangingikil sa mga tao.
Ayon naman kay Police Brigadier General Jonnel Estomo, Regional Director ng Police Regional Office 5 (PRO5), mas makabubuting makipag-ugnayan agad ang mga mamamayan sa awtoridad sakaling may napapansin na kaduda-duda sa kanilang paligid.
Samantala, binigyang-diin muli ni Major General Alex Luna, Commander ng Joint Task Force Bicolandia at 9th Infantry (Spear) Division, na mulat na ang mga tao sa totoong kulay at layunin ng CTG dahilan kung bakit isinusuplong na sila nito; ang kanilang mga pinagtataguan kabilang na ang kanilang mga armas at kagamitan. Kaya paliit na ng paliit ang kanilang mundo.
“Walang ibang ninanais ang ating mga kababayan lalo na ang ating pamahalaan kundi ang kapayapaan ng ating bansa. Kaya kung kayo ay magpupumilit na manatili sa kilusan, hindi lamang ang gobyerno ang inyong makakalaban, kundi ang mismong taong bayan.Huwag ninyo na silang linlangin, mulat na sila sa katotohanan, mas dinaragdagan ‘nyo lamang ang pagkamuhi ng mga tao sainyo. Sumuko na lamang kayo,” ani Maj. Gen. Luna.
Maaalala nitong ika-18 at ika-20 ng Abril, ay dalawang magkasunod na engkwentro rin ang naitala sa mga mga bayan ng Mobo at Pio V Corpuz, parehong sa probinsya ng Masbate, na nagresulta sa pagkakakuha ng iba’t-ibang mahahalagang armas at kagamitan ng CTG.
[Kalinaw News is the official online source of information on the pursuit for peace in the Philippines This website is a property of the Civil-Military Operations Regiment, Philippine Army located at Lawton Avenue, Fort Bonifacio, Taguig City Contact us: kalinawnews@cmoregiment.com]
https://www.kalinawnews.com/bulto-bultong-mga-bala-at-mga-dikalibreng-armas-ng-ctg-nasamsam-sa-sorsogon/